Wednesday, August 10, 2011

Balagtasan


ALING WIKANG WIKA ANG DAPAT GAMITIN NG PILIPINO:
WIKANG PURO O WIKANG HALO?

UNANG PANIG: “Si Gat Jose Rizal, noo’y nagwika
Siya ang nagpangaral sa ating bansa
Ang hindi raw magmahal sa sariling wika
Ay higit pa ang amoy sa mabahong isda!”

Ako po ay naparito sapagkat nabalitaan
Na dito raw gaganapin ang dakilang Balagtasan
Pagkat ako ay makatang naghahanap ng kalaban
Ang sinumang katunggali ay hindi ko aatrasan!

Ngunit ako’y nag-iisa, nasaan ang Lakandiwa?
Kung di tuloy ang programa’y mabuti pang umuwi na!
Sayang na pagkakataon, eto akong handang-handa
Ngunit sa malas ay tila  walang makakasagupa!

LAKANDIWA:      Wag na wag kang aalis diyan, makata kong kaibigan
Ako itong Lakandiwa nitong ating Balagtasan
Natrapik lang nang bahagya  sa may bandang Panapaan
Kaya’t saglit na nabalam dito sa ating tagpuan!

Lakandiwang naatasan, pangala’y PANGALAN
Sa palatuntunang ito’y siyang tagpangasiwa
Ngunit teka, sandali nga, bakit tila nawawala
Ang makatang katunggali’t kabanggaan mo sa diwa!

Talumpati


KABATAAN: ISANG PAGTATANONG
(TALUMPATI)


Ako, ikaw…kayo…sila…tayong mga kabataan,
Saan natin ihahatid itong ating inang batan?
Sa altar ba ng pag-asa o sa bibig ng kabiguan
Sa paanan ba ng langit o bunganga ng libingan?
Dapat tayong manghilakbot…dapat tayong kilabutan
Sa lahat ng pangyayaring nagaganap ng hayagan…
Unti-unting naglalaho nang di natin nalalaman
Ang sariling tatak natin bilang Perlas ng Silangan;

Kilos natin at damdamin…ang kultura’t kabuhayan,
Dahan-dahang nalalagom ng masakim na dayuhan!

Nanaisin pa ba natin ang magbalik ang panahon
Ng nabaon na sa limot na duguang mga taon…?
Noong tayong mga kabataan ay may pusong nag-aapoy
At wala ng hinahangad kundi gulo’t rebolusyon?
Sa kumpas ng paarala’y nais pa ba natin ngayong
Maglagay ng barikada’t magdaos ng demonstrasyon?
Di ba’t dahas ay sa dahas sumugpong na lubos noon
Upang ganap na sikangan ang sa baya’y nagsusulsol?
Kabataan…kabataan…ako nayo’y nagtatanong:
Saan natin ihahatid itong ating henerasyon?

Papayagan kaya natin sa sarili nating bansa,
Ang sariling tatak nati’t kakanyahan ay mawala?
Sa kultura ng dayuhang dito ngayo’y bumabaha,
Ang sariling kalinanga’y lulunurin na rin kaya?
Ang malagim na kahapong dugo’t luha ang napunla
Bakit ngayong susupling na saka tayo nagpabaya?
Ang aral ni Dr.Rizal na tayo’y pag-asa nga,
Bakit ngayo’y aral pa ring matupad ni bahagya?
Sa paningin ng daigdig, dapat tayong mangahiya-
Pilipinong naturingan ay dayuhan ang kamukha!


Ikaw kaya’y isang bulag at hindi mo nakikita
Ang talamak na pagyurak sa sarili mong kultura?
Sa harap ng telebisyon panatag kang nakatawa
At ni hindi ka mapaknit kung dayuhan ang programa
Ang likas mong panooring makulay na zarzuela,
Ngayo’y nagging video tapes at Betamax sa tuwina
Ang tamis ng tulain mo at kundimng pangharana,
Pinalitan mo ng disco, ng swing, ng rock, boogie;
Dumilat ka, kabataan…ang lahi mo’y nakukuha
Ng dayuhang sa bansa mo’y nagpapanggap na turista!

Ang agwat ng talastasan ng magulang at anak,
Hindi mo ba napapansing kaylawak ng isang agwat?
Dumaraan ang maghapo’t lumilipas ang magdamag,
Ni putol mang dayalogo’y hindi kayo nakabigkas;
Kahit isang problema mo…sa kanila’y di naungkat,
Kaya ito’y nananatiling suliraning hindi malutas…
Papaano, tayong bunso’y sa lansangan nagpupuyat
Sila namang ama at ina’y sa Gawain nagbababad;
Ah! Sa aba ng Maykapal… kapag ito’y di nagwakas,
Wawasakin ang pamilya’t ang bansa mo’y malalansag.

Ikaw, ako…kayo, sila… dapat tayong mangag-isip,
Itong ating Inang Baya’y saan natin ihahatid?
Sa altar ba ng pag-asa o libingang sakdal lamig?
Sakuko ng kabiguan o tagumpay na marukit?
Tayong mga kabataan ang pag-asa ng daigdig,
Sa magulang at ninuno’y tayong lahat ang magpapalit

Ang kultura’t kabuhayan ay linanging buong higpit
Upang tayo’y makalaya sa dayuhang mapanggipit;
Isang bansa… Isang diwa ang sati’y bumibigkis,
Tayo’y mga kabataan… Pilipino bawat saglit!